DFA, tiniyak na tinututukan ang kalagayan ng mga Pinoy sa Nepal sa harap ng kaguluhan doon

Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tinututukan nila ang kalagayan ng mga Pilipino sa Nepal sa harap ng mga protesta roon laban sa sinasabing katiwalian sa kanilang gobyerno.

Ayon sa DFA, nakatutok sa sitwasyon sa Nepal ang Philippine Embassy sa New Delhi at ang Philippine Honorary Consulate General sa Kathmandu, Nepal.

Nakikipag-ugnayan na rin anila ang mga ito sa Filipino Community organizations sa Nepal para sa mga update sa kalagayan ng mga Pinoy roon.

Tiniyak naman ng DFA na walang Pilipinong apektado sa nagpapatuloy na kaguluhan sa nasabing bansa.

Pinapayuhan din ng DFA ang mga Pinoy roon na iwasang lumabas at sundin ang security instructions ng mga awtoridad doon.

Ito ay lalo na’t may naitala nang 19 anti-corruption protesters ang namatay sa sagupaan sa mga pulis doon.

Nabatid na daan-daan na rin na mga bilanggo ang tumakas sa mga piitan sa Nepal para lumahok sa mga rally kung saan inaatake ng mga demonstrador ang Government buildings at ang bahay ng political leaders doon.

Sa ngayon, 128 ang kabuuang bilang ng mga Pilipino sa Nepal.

Facebook Comments