
Wala umano special treatment para kay dating Senador Bong Revilla.
Ito ang tiniyak ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa pagsabing ituturing na ordinaryong Persons Deprived of Liberty (PDLs) si Revilla kasama ang iba pang kapwa niya akusado.
Ani Remulla, bagama’t matagal na silang magkaibigan ni Revilla kinakailangang ipatupad ng patas ang batas.
Sa katunayan, siya umano ang nag payo sa dating senador na kusang sumuko matapos na maglabas ng warrant of arrest ang Third Division ng Sandiganbayan.
Magsusumite aniya ang DILG ng listahan ng mga available na facilities na maaring mapagdalhan kay Revilla.
Pansamantalang mananatili sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas Road, Quezon City ang dating senador habang tatalakayin sa Biyernes ang usapin kung saan siya susunod dadalhin.










