Idineklara nang final and executory ng Commission on Elections (Comelec) ang disqualification ni dating Caloocan City Rep. Edgar Erice.
Sa inilabas na Certificate of Finality and Entry of Judgement ng poll body, ipinaliwanag nilang ito ay dahil wala silang natanggap na restraining order mula sa Korte Suprema.
Kaninang umaga nang maghain ng petisyon si Erice para kuwestiyunin sa SC ang desisyon ng Comelec na i-disqualify siya sa pagtakbo bilang kongresista ngayong midterm elections.
Ayon sa dating mambabatas, katawa-tawa umano ang desisyon dahil wala raw siyang nilabag sa Omnibus Election Code partikular ang Section 261 na basehan ng pagkakadiskwalipika sa kaniya.
Pinabulaanan din nito na nagpapakalat umano siya ng mga maling impormasyon na makaaapekto sa integridad ng halalan.