
Nagpaliwanag ang Department of Energy (DOE) na hindi nila kayang magtakda ng price ceiling sa mga produktong petrolyo.
Sa gitna na rin ito ng pagsipa at napakataas na umento sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, tali ang kanilang kamay dahil sa umiiral na Oil Deregulation Law.
Aniya, kahit makakatulong ang pag-amyienda sa naturang batas sa hinaharap, walang kasalukuyang probisyon na nagbibigay sa DOE ng kapangyarihan na kontrolin o limitahan ang presyo ng langis.
Pero maisasagawa ito kapag mabigyan sila ng kapangyarihan sa pamamagitan ng pag-amyenda sa batas o pagbibigay ng emergency powers.
Ang Kongreso lamang aniya ang puwedeng magbigay ng karagdagang kapangyarihan o mag-amyenda sa batas upang payagan ang gobyerno na magpatupad ng price ceiling.
Samantala, may mga hakbang namang isinasagawa ang DOE gaya ng fuel discount programs para sa mga driver ng pampublikong sasakyan, delivery riders, at iba pang motorista upang makatulong sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.










