DOE, nagpaliwanag sa nangyaring Red at Yellow Alert status sa Luzon Grid noong Lunes

Nilinaw ng Department of Energy (DOE) na hindi kakulangan ng planta ng kuryente ang sanhi ng pagdedeklara ng Red at Yellow Alert sa Luzon Grid noong Lunes.

Paliwanag ni DOE Asec. Mario Marasigan, Linggo pa lamang ng umaga ay nakatanggap na sila ng report mula sa kanilang system operator hinggil sa line tripping o pagkaputol sa serbisyo ng isang linya ng kuryente sa Pangasinan na isa sa pinakamalaking linya sa Luzon na nagsusuplay ng 500 kilovolts ng kuryente.

Sinundan aniya ito ng ulat galing naman sa power generator facilities na nagkaroon sila ng emergency shutdown dahil sa problema sa linya ng kuryente.


Dahil dito, bumaba ng 10,700 megawatts (MW) ang suplay ng kuryente sa Luzon pero dahil may sapat na reserba at mababa ang konsumo tuwing araw ng Linggo ay hindi gaanong naramdaman ang epekto nito.

“Dahil araw nga po ng Linggo, sarado ang karamihan sa ating industriya, at ang atin pong demand ay hindi pa umabot sa 9,000 megawatts. So, kahit po bumaba ng 10,700 MW ang suplay ng kuryente, may sapat pa pong reserba sa ating sistema kaya hindi tayo nagkaroon ng Red at Yellow Alert noong Linggo. Pero alam naman po natin, pagdating ng Lunes, lalaki po ang demand natin dahil sabay-sabay po yung pagbubukas ng ating industriya, mga establisyimento sa komersyo at pati po yung pagbubukas sa eskwela, so dahil po dito, umangat po yung demand natin,” paliwanag ni Marasigan sa panayam ng RMN DZXL 558.

Paliwanag pa ni Marasigan, naibalik naman din noong Linggo ang nag-trip na linya ng kuryente sa Pangasinan pero hindi nakasabay sa pagbabalik-serbisyo ang mga plantang naapektuhan ng line tripping.

Gayunman, nakatulong aniya ang pagdedeklara ng Red at Yellow Alert dahil aabot sa 80 participants ng Interruptible Load Program ng mga power industry player ang hindi gumamit ng kuryente mula sa grid kung kaya’t naging kabawasan sila sa konsumo mula sa linya ng kuryente.

“Either, humihinto muna sila ng operation or gumagamit sila ng pansarili nilang generation. At sa sa report po sa atin ng Meralco, around 80 participants po ang sumali at nagkaroon ng kabawasan ng konsumo sa ating linya ng around 267 MW. So, nagkaroon lang ng konting allowance yung ating sistema ng kuryente kaya kahit nagkaroon tayo ng red alert buhat noong ala una ng hapon noong Lunes, hindi ito nagresulta ng malakawang brownout o blackout. Na-maintain po natin yung serbisyo ng kuryente,” dagdag niya.

Sa ngayon, inaalam na lamang ng DOE kung ang sanhi ng Red at Yellow Alert ay ang line tripping o ang maintenance shutdown ng mga planta.

Noong lunes, nagpatupad ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng Red at Yellow Alert sa Luzon Grid bunsod ng pagnipis ng suplay ng kuryente.

Unang napaulat na kinapos ang Luzon Grid ng 3,627 megawatts matapos na pitong planta ang nakaranas ng forced outage habang tatlo ang nag-operate sa mababang kapasidad.

Facebook Comments