Inumpisahan na kaninang umaga ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon sa hawak nilang apat na person of interest sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Sa interview ng RMN Manila kay DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano, sinabi nito na ang apat na person of interest ay mula sa New Bilibid Prison na nasa kostodiya na ngayon ng National Bureau of Investigation.
Ayon kay Clavano, aalamin sa imbestigasyon ang posibilidad ng kinalaman ng mga ito upang matukoy ang mastermind sa pagpatay kay Lapid.
Sa ngayon ay nasa walo na ang person of interest ng DOJ kung saan isa ang hawak ng Bureau of Corrections at tatlo sa Philippine National Police.
Natukoy ang mga person of interest matapos na lumutang ang ate ng middleman na si “Marisa” at isiniwalat na pinatay ang kanyang kapatid matapos na sumuko ang self-confessed gunman na si Joel Escorial.
Kasabay nito, sinabi ni Atty. Clavano na hindi text message kundi sa Messenger nagpadala ng mensahe si Villamor sa kanyang kapatid bago ito namatay.
Nakikipag-ugnayan na aniya ang DOJ sa pamunuan ng Facebook hinggil dito na maaaring gamitin bilang ebidensya lalo na’t maituturing na “dying declaration” ang kanyang mensahe na exception sa “hear say” rule ng korte.
Sa ngayon ay ginawa ng testigo sa kaso si Marisa na nasa ilalim ng Witness Protection Program kasama ang ilang kamag-anak.