DUMEPENSA | NHA bumwelta sa pahayag na umano’y substandard ang housing units sa Ormoc

Hinamon ni National Housing Authority General Manager Marcelino Escalada si Mayor Richard Gomez na kanselahin ang building permit ng NHA project sa Ormoc kung sa tingin nito na substandard ang proyektong pabahay sa halip na na iparada ang usapin sa social media.

Sa isang pulong balitaan sa Quezon City, iginiit ni Escalada na matibay ang mga materyales na ginamit sa paggawa ng mga housing units.

Nanindigan si GM Escalaca na mataas ang kalidad ng mga materyales sa itinatayong housing units alinsunod sa parameters ng DPWH Bureau of Research Standards.


Kinastigo naman ni NHA Chief of Staff Atty. John Christopher Mahamud si Mayor Gomez na sa halip na idinaan sa social media ang usapin ay makipag-usap muna sa kanila.

Kinondena rin nila ang mga malisyosong pahayag ng alkalde na may tinatanggap at mga bobo ang mga taga NHA.

Naniniwala naman si NHA head operation Engr. Victor Balba na nabigyan ng maling impormasyon si Mayor Gomez at hindi niya talaga alam ang tibay ng mga materyales tinatayong pabahay.

Ayon naman kay Regional manager Engr. Rizalde Mediavillo, humingi na umano ng paumanhin ang Ormoc City sa kanila pero malaki ang naging epekto sa kanilang mga empleyado sa lumabas na video sa social media.

Facebook Comments