Suportado ng Department of Energy (DOE) ang pagluluwag o pagtanggal ng economic restrictions sa 1987 Constitution na tiyak lilikha ng 1.5 million trabaho sa sektor ng renewable energy.
Sa deiberasyon ng House Committee of the Whole sa Resolution of Both Houses No. 7 ay sinabi ni DOE Undersecretary Sharon Garin na makakamit ito kapag pinayagan na ang 100% foreign ownership sa RE sector.
Ibinahagi rin ni Garin na kasunod ng awtorisasyon ng DOE para sa 100-percent foreign ownership sa RE investments ay bumaha ang investment applications kasama ang mga proposals para sa offshore wind and floating solar RE systems.
Ayon kay Garin, sa 400 proposals for RE contracts na kanilang natanggap ay 275 service contract applications na ang inaprubahan ng gobyenro para sa 39,000 gigawatts (GW) capacity na nagkakahalaga ng P8 trillion.
Sabi ni Garin na mayroon ding mga dagdag na trabahong nalikha sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa mga pantalan, power transmission at pagmimina, partikular ang Vanadium na isang sangkap na ginagamit sa paggawa ng space vehicle, nuclear reactor, aircraft carrier, at iba pa.
Binigyang-diin ni Garin na ang Pilipinas ay pang-apat ngayon sa 110 mga bansa na kaaya-aya para paglagakan ng green energy investment at kung higit na magluluwag at magbubukas ang ating ekonomiya ay tiyak na aangat pa tayo.