Dapat na makipagdayalogo sa mga local hog raiser ang mga economic manager ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang malaman ang aktwal na sitwasyon ng local hog industry sa bansa.
Ito ang panawagan ng Pork Producers Federation of the Philippines, Inc. kasunod ng pahayag ng Department of Agriculture na posibleng magkulang ang suplay ng karneng baboy sa darating na Kapaskuhan.
Giit ni Propork President Rolando Tambago, hindi totoong may shortage sa karne ng baboy dahil kung tutuusin ay aabot pa ang suplay nito sa unang kwarter ng 2023.
Marami pa aniyang stock nito sa mga cold storage facility sa buong bansa lalo na sa Central Luzon, CALABARZON, NCR at Central Visayas.
“Tayo mismo, patuloy tayong nagpapalakas ng produksyon dito sa lokal. Aside from that, napakarami pong stock ng pork sa mga cold storages all over the Philippines so hindi po totoo na may kakulangan,” ani Tambago sa interview ng RMN DZXL 558.
Kasabay nito, muling nanawagan ang grupo kay Pangulong Marcos na huwag nang palawigin pa ang Executive Order 171 na nagpapababa ng taripa sa mga imported na agricultural product.
Aniya, sa halip na makatulong ay lalo pang nalugi ang mga local hog raisers dahil sa pagpapatupad nito.
“Yun nga, yung nakaraan, almost 3 years ago, tinamaan tayo ng [pandemic] at least 100 billion ang lugi ng industriya ng pagbababoy. E patuloy pa tayong tsina-challenge ang local industry natin dahil sa importation kasi yung import cost din natin tumataas din gaya ng ibang industry, so pano tayo makakapag-compete?” giit pa ni Tambago.
“E sana naman, sa mga economic managers, makipag-dayalogo rin sila sa mga tunay na nagpo-produce ng pagkain. Tinatanong ko yung ibang leaders din ng ibang sektor, e wala namang pakikipagdayalogo yung mga economic managers sa atin so pa’no nila malalaman yung aktwal na situation doon sa ground,” dagdag niya.