Inirekomenda ng Department of Health (DOH) na gawing prayoridad ang health workers, mga matatanda at persons with comorbidities para sa COVID-19 testing.
Ito ay sa inaasahang pagtaas pa ng kaso ng COVID-19 sa mga susunod na araw.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mahalagang magsagawa ng confirmatory test sa mga A1 hanggang A3 sector para mabigyan sila ng tamang mga gamot sa lalong madaling panahon.
“Para sa mga A1 or health care workers, A2 o senior citizens at A3 para sa mga taong may comorbidities, ang ating testing ay inirerekomenda na i-prioritize sa mga sitwasyon na ang testing ay makakaapekto sa ibibigay na medical management. Ang mga bagong gamot para sa COVID ay binibigay sa mga taong may matataas na posibilidad na maging severe ang sintomas at maospital – ito ay ang ating mga senior citizens at ibang kapwa Pilipino na may sakit o comorbidities. Prayoridad din po natin ang ating healthcare workers na nagbibigay nang angkop na medical management habang nasisiguro natin na sapat ang capacity ng ating health care system sa pamamagitan po ng ating pagsasagawa ng surveillance through testing,” ani Vergeire
Sinabi naman ni Vergeire na ang mga indibidwal na may mga sintomas ngunit hindi pa nasusuri ay tinatawag na ngayong probable COVID.
“Para naman sa komunidad o hindi kabilang sa priority groups na aking nabanggit, pinapaalala po natin na pareho po ang aksiyon at management sa taong may exposure at may sintomas o tawag natin ngayon sa kanila “probable COVID” po. Kapag hindi po kayo na-test ngunit mayroon kayong sintomas, we now classify you as a probable COVID-19 kumpara po dito sa na-test. Lahat sila po ay dapat na mag-quarantine at mag-isolate agad may test man o wala.”