Nakatakda nang paganahin ng Office of Civil Defense (OCD) Ilocos Region ang kanilang Emergency Operations Center bilang bahagi ng paghahanda para sa Semana Santa.
Ayon sa OCD, ia-activate ang Emergency Operations Center mula Marso 31 hanggang Abril 7 at itataas sa blue alert status upang mas mapalakas ang monitoring at koordinasyon sa buong rehiyon.
Bilang chair ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, tiniyak ng ahensya na nakahanda ang kanilang mga sistema upang magbigay ng agarang suporta sa mga lokal na pamahalaan, at maaari ring iakyat sa pambansang antas ang tulong sakaling lumaki ang insidente.
Kaugnay nito, nagsagawa rin ng pre-disaster risk assessment meeting noong Marso 17 upang matiyak ang maayos na pagtugon sa anumang sakuna.
Nakipag-ugnayan din ang OCD sa Department of Public Works and Highways para sa deployment ng quick response teams sa mga pilgrimage sites sa ilalim ng programang “Lakbay Alalay” na tumutulong sa mga biyahero at deboto.
Sa inaasahang pagdagsa ng mga tao, hinihikayat ng OCD ang publiko na maging handa sa pamamagitan ng maagang pagpaplano ng biyahe, pag-inom ng sapat na tubig, at pagdadala ng mga kailangang gamit gaya ng payong sakaling magkaroon ng panaka-nakang pag-ulan.
Tiniyak din ng ahensya na nananatiling handa ang mga disaster risk reduction and management offices sa buong rehiyon upang magbigay ng agarang tulong sa buong panahon ng Semana Santa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










