EMPLEYADO NG CENPELCO PINAGTULUNGAN BUGBUGIN NG MAGKAPATID

BINMALEY, PANGASINAN – Kalaboso ang magkapatid na si Dennis at Dante Gutierrez matapos nilang bugbugin si Robert Bugayong na empleyado ng CENPELCO Binmaley.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na ginampanan lamang ni Bugayong ang tungkulin nito sa pagputol ng koneksyon ng kuryente sa tirahan ng magkapatid na Dennis at Dante dahil sa hindi pagbabayad ng tatlong buwang kuryente na nagkakahalaga ng abot P4, 000.

Base naman sa salaysay ng biktima, habang nasa taas pa umano siya ng hagdan ay nagkaroon na sila ng argumento kung saan hinamon ng magkapatid ang empleyado na magsuntukan ngunit dahil sa init ng ulo ng dalawa ay sinugod na si Bugayong upang pagtulungang bugbugin at pinaghahampas pa gamit ang isang tubo.


Hindi umano matanggap ng magkapatid na naputulan sila ng kuryente.

Nagtamo ng mga pasa at sugat ang biktima na agad namang naitakbo sa RHU 1 Binmaley ng mga rumespondeng pulis.

Sa ngayon nasa kustodiya na ng PNP Binmaley ang magkapatid na suspek matapos ang insidente kung saan nakasuhan na rin sila ng Attempted Homicide at maaring makapagpiyansa ng tig P36, 000 bawat isa. | ifmnews

Facebook Comments