
Hiniling ni House Senior Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila De Lima kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., gayundin sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pag-aralang mabuti at tugunan ang epekto sa mga tsuper, operator at manggagawa sa pampublikong transporsyon ang labis na pagtaas ng presyo ng langis.
Sa inihaing House Resolution 915 ay biniyang diin ni De Lima na dapat mabalanse ang intres ng riding public at ng mga nasa sektor ng public transport kaugnay sa isinusulong na pagtaas sa pamasahe.
Magugunitang nitong March 18, 2026 ay iniutos ni PBBM ang suspensyon ng pagpapatupad ng fare increase para sa mga pampasaherong jeep, bus, taxi at ride-hailing services.
Ipinunto ni De Lima na kulang na kulang ang ayuda na ibinigay ng pamahalaan para sa mga Public Utility Vehicle o PUV drivers at operators na bumabagsak na ang kabuhayan dahil sa sobrang taas na presyo ng krudo.
Bunsod nito ay naniniwala si De Lima na makatwiran ang pagpapatupad ng patas na pagtaas sa pamasahe habang isinasaalang-alang din ang kapakanan ng mga commuters.










