Cauayan City, Isabela – Puspusan ang ginagawang inspeksyon ng City Business Permit and Licensing Office sa mga lisensya ng mga negosyante dito sa lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Atty. Sherwin de Luna, pinuno ng Business Permits and Licensing Office na patuloy umano ang pagbibigay ng abiso ng kaniyang tanggapan sa mga hindi pa nakakapag-renew at maging sa mga hindi pa kumuha ng kanilang mga permits and license to operate.
Sinabi pa ni Atty.de Luna na marami naman umano sa ngayon ang nagsasadya sa kanilang tanggapan upang ayusin ang mga kailangan at makapag-operasyon ng kanilang mga negosyo.
Idinagdaga pa ng nasabing opisyal na may isang establisyemento na sa lungsod ang naipasara dahil sa hindi pagsunod sa mga alituntunin sa ilalim ng permits and license to operate.
Ipinaliwanag pa ng abogado na binibigyan naman umano nila ng pagkakataon ang mga nag-mamay-ari ng mga establisyemento upang ayusin ang kanilang mga permits ngunit kung hindi parin sila sumunod ay mapipilitan umano silang ipasara ang mga ito.
Samantala mayroon na umanong kabuuang bilang na 3,358 ang registered business dito sa lungsod at hindi pa umano kabilang dito ang mga negosyanteng kumukuha ng mga special permits.