GASOLINAHAN NA NANAMANTALA SA PRESYO NG PETROLYO SA NATIVIDAD, PINATAWAN NG PARUSA

Nabigyan ng Notice of Violation ang isang gasolinahan sa Poblacion East, Natividad, Pangasinan matapos lumampas sa itinakdang price range ng Department of Energy (DOE) ang pagpepresyo nito ng diesel at gasolina.

Ito ay matapos ang isinagawang monitoring ng Business Permits and Licensing Office (BPLO), Department of Trade and Industry (DTI) at PNP noong Lunes, Marso 9, 2026.

Ayon sa ulat, ibinebenta umano nito ang diesel sa halagang ₱75 kada litro, na mas mataas ng ₱8.41, habang ang regular gasoline naman ay ibinebenta sa halagang ₱68.00 kada litro, na lagpas ng ₱3.30 sa itinakdang price range ng DOE.

Dahil dito, inatasan ang naturang establisyemento na agad itama ang kanilang pump prices.

Matatandaang sinita rin ang isang gasolinahan sa Barangay Amistad, Tayug dahil sa overpricing ng diesel noong nakaraang linggo.

Muling binigyang-diin ang pagbabawal sa mga ilegal na gawain tulad ng overpricing, hoarding, illegal trading at misuse ng petroleum products na maaaring pagmultahin o magresulta sa pagkakakulong ang mga lalabag alinsunod sa Batas Pambansa Blg. 33. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments