Sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na posibleng pagmultahin ang GMA Network kapag napatunayang may nilabag sa occupational safety and health (OSH) rules kaugnay ng aksidente sa set na ikinamatay ng beteranong aktor na si Eddie Garcia.
Mayroon umanong ilang nakitang pagsuway sa OSH, base sa lumutang na video online ng aksidente, ayon kay Occupational Safety and Health Center (OSHC) Executive Director Noel Binag.
Pinuna ni Binag ang kawalan ng first-aider sa set, medical supplies at equipment gaya ng stretcher, na ayon kay DOLE Secretary Silvestre H. Bello III ay kukumpirmahin pa sa meeting ng mga opisyal ng ahensya at GMA executives.
Maliban sa meeting, pag-aaralan din ang OSH incident report na dapat ay ipinasa ng network sa DOLE 48 hours matapos ang nangyaring aksidente.
Kung mapatunayang nagkasala, maaari aniyang magsampa ng kasong administratibo ang OSHC laban sa network, kahit hindi kasama ang pamilya ng aktor.
“Penalties for every noncompliance based on our occupational safety and health standards ranges from P20,000 to P50,000. Since there are a lot of rules to follow and to complied with, it could amount to even more, to P100,000,” ani Binag.
Maliban sa multa, maaari rin aniya patawan ng “suspension of operations” ang GMA, depende sa bigat at dami ng nilabag nito.
Pumanaw sa edad na 90 si Manoy matapos ang natamong cervical spine injury sa aksidenteng nangyari sa set ng bagong teleserye niya sa GMA.