Hinarap ni Pangulong Rodrigo Duterte si Vietnam Deputy Prime Minister at Foreign Minister Pham Binh Minh kagabi dito sa Palasyo ng Malacanang.
Batay sa impormasyong inilabas ng Malacanang ay pinuri ng Deputy Prime Minister ng Vietnam si Pangulong Duterte sa kapansinpansin na pagunlad ng bansa at kinilala din nito ang malaking kontribusyon ng bansa sa Association of Southeast Asian Nation o ASEAN.
Inimbitahan din naman ng Vietnam official si Pangulong Duterte na pumunta sa kanilang bansa ngayong taon o di naman kaya sa susunod pang mga taon.
Bukod sa opisyal ng Vietnam ay nakipagpulong din si Pangulong Duterte kay First Deputy President of the Supreme Council for Youth Sports ng Bahrain na si Shaikh Khalid bin Hamad Al Khalifa kung saan ay tiniyak nito na handang tumulong ang kanilang bansa sa Pilipinas.
Nagpasalamat din naman ito kay Pangulong Duterte dahil sa magandang relasyon ng dalawang bansa at magandang pakikitungo ng mga Pilipino sa kanila.