Ping kay Bong Go: Good luck!

“Good luck to Senator Bong Go; ano man ang kanyang plano sa buhay henceforth, good luck sa kanya.”

Ito ang naging mensahe ni Partido Reporma chairman at presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson para kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go kasunod ng pag-atras niya sa pagkandidato bilang pangulo sa 2022 elections.

Sa press conference kasunod ng naging pulong kasama ng mga lider ng transport sector ngayong Bonifacio Day, sinabi ni Lacson na matagal nang nagpapahiwatig si Go sa pagbawi niya ng kanyang kandidatura.


“Kino-confide niya sa aming dalawa ni Senate President (Tito Sotto) ‘pag nasa lounge kami… Sinasabi niya na ‘hindi ko alam paano ako napunta rito kasi talagang happy na ako… ‘Yung pagka-senador nga, hindi ko na akalain na naging senador ako,’” kuwento ni Lacson sa mga naging pahayag ni Go sa kanila.

Dagdag niya, “Maski noon pa ini-indicate niya na talagang medyo half-hearted ‘yung kanyang [pagtakbo]. Parang napilitan lang siya.”

Tumanggi na si Lacson na magkomento pa sa kasamang senador. Aniya, “Kami kasi meron kaming unwritten rule, ano. Pagka kapwa mo senador, kapwa mo senador ‘yan, and you don’t—normally, hangga’t maiiwasan, you don’t speak ill of your colleagues in the Senate.”

Facebook Comments