Good Samaritan, Namigay ng Libreng Alcohol sa mga Tricycle Drivers

Cauayan City, Isabela- Ipinamalas ng isang good samaritan ang kanyang pagtulong sa mga tricycle drivers sa Lungsod ng Santiago matapos maantig ang kanyang puso sa sariling paraan ng mga ito para makapamasada at makatulong sa kani-kanilang pamilya.

Ayon kay Francis Sinaban, kanyang ikinuwento na sa pagsakay niya sa isang pampasaherong tricycle ay agad niyang napansin ang tila ‘DIY’ o Do It Yourslef Alcohol para sa mga pasahero dahil nga may kamahalaan ang presyo ng pagbili nito sa mga groceries at drugstores.

Simula noon, naantig ang kanyang puso na tumulong sa mga itinuturing na bayaning tricycle drivers dahil batid nito ang kahalagahan upang tuloy-tuloy na makatulong sa kanilang pamilya.


Bukod dito, nagsimula na rin na magpost sa kanyang social media sites gaya ng facebook at twitter para humingi ng tulong sa may mga mabubuting puso hanggang sa mapansin ito ng isang kilalang GMA artist o binansagang ‘YAYA DUB’ na si Maine Mendoza.

Batay sa palitan ng kanilang mensahe, agad na nagpadala ng tulong ang Kapuso Actress para sa gagawing pagtulong ni Sinaban sa mga tsuper.

Nagdala ng tatlong (3) karton ng alcohol ang aktres na ikinatuwa naman ni Sinaban dahil tiyak na hindi na mahihirapan pa ang mga tsuper para sa kanilang pang-araw-araw na alcohol.

Samantala, umabot ng mahigit sa 300 tricycle drivers ang nabiyayaan ng libreng alcohol na inaasahang marami pang mabibigyan ng tulong nito.

Nagtulong-tulong na rin ang mga kaibigan ni Ginoong Sinaban maging ang kanyang personal na allowance ay ipinandagdag para sa pagbili ng iba pang kakailanganin dito.

Isa lang aniya ang nais nito at ang makatulong sa kapwa sa harap ng pandemya at makapagbigay ng goodvibes hindi lamang sa iisang sektor maging sa iba pa.

Inaasahan naman ni Sinaban na maging magandang halimbawa ito para sa iba na ang pagtulong ay hindi sukatan na mayroon kang maraming pera kundi ang pagtulong ay may paraan kung gugustuhin ng isang tao.

Si Sinaban ay kasalukuyang empleyado ng Department of Foreign Affairs Santiago Sattelite Office.


















Facebook Comments