Thursday, July 23, 2026

Grupong Bayan, binatikos ang mga “de baril” na pulis na tumangkang umaresto sa ilang photojournalist sa gitna ng rally sa Pasay

Kinwestiyon ng grupong Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN ang presensya ng mga “de baril” na pulis na tumangkang umaresto sa ilang photojournalist sa gitna ng rally sa Pasay

Ayon sa BAYAN, hindi umano dapat na may baril ang mga pulis na nasa rally dahil labag ito sa batas

Ito ang ipinahayag ni BAYAN President Renato Reyes matapos ang viral na tangka umanong pag-aresto o panggigipit sa ilang photojournalist na nag-cover sa rally sa Pasay City kahapon.

Sa ibinahaging litrato ni Reyes na kuha mismo ng photojournalist na si Bullit Marquez, makikita ang mga pulis na may nakasukbit na baril habang hawak sa braso ang babaeng moro leader na nakaupo na sa sahig.

Naging kapansin-pansin din ang isa pang pulis na humarang sa photojournalist upang kunan ng litrato ang pag-aresto sa babae.

Giit ng grupong BAYAN, ang pangyayaring iyon ang ayaw maipakita ng Philippine National Police (PNP) sa publiko kaya tinangkang harangan ang photojournalist.

Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na iniimbestigahan na nila ang insidente pero kagabi, binigyang diin ni PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na walang harassment.

Dagdag pa ni Nartarez, ang umano’y pagmumura ng photojournalist sa mga pulis ay ‘di katanggap-tanggap.

Kung siya raw aniya mismo ang nandoon ay baka mayroon siyang inaresto.

Facebook Comments