Gurong nag-post tungkol sa CR na ginawang faculty room, balak kasuhan

Courtesy Facebook / Maricel Herrera

Nagbanta ang principal ng Bacoor National High School sa Cavite na kakasuhan ang gurong nagbahagi sa social media ng tungkol sa lumang banyo na ginawang faculty room ng ilang guro.

Usap-usapan kamakailan lang ang mga larawan at video na ini-upload ni Maricel Herrera, presidente ng asosasyon ng mga guro sa nasabing paaralan.

Kuwento ni Herrera, napilitan umano ang nasa 11 na guro na gawing faculty room ang lumang CR matapos magkaroon ng kakulangan sa classroom.
(Basahin: Ilang guro, napilitang gawing faculty room ang CR ng isang paaralan sa Cavite)


Ngunit iginiit ni Anita Rom, principal ng BNHS, na hindi niya iniutos na CR ang gawing faculty room.

Sa katunayan aniya, inialok niya ang library, conference room, at social hall na kakasya ang 700 guro.

“Ang faculty room is not mandated by the DepEd (Department of Education). Ang function ng teacher ay magturo at hindi magpahinga sa faculty room,” ani Rom.

Inihahanda na raw ang mga kasong administratibo, cyberlibel, at destruction of government property laban kay Herrera.

“Ang sinira ay hindi lang imahe ng Bacoor National High School, kundi buong imahe ng DepEd,” ani principal.

Nilinaw naman ni Herrera na hindi niya intensyong sirain ang imahe ng paaralan.

Facebook Comments