Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang 7.64 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱51,952 sa isinagawang buy-bust operation sa bayan ng Sta. Lucia, Ilocos Sur noong Nobyembre 5, 2025.
Isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Ilocos Sur Provincial Drug Enforcement Unit, Sta. Lucia Police Station, at iba pang yunit ng pulisya ang operasyon na nagresulta rin sa pagkakaaresto ng isang 42-anyos na lalaki mula sa Candon City.
Ayon sa ulat, nakuha mula sa suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu, isang kahang walang laman ng sigarilyo, dalawang lighter, at limang ₱1,000 boodle money na ginamit bilang buy-bust money.
Isinagawa sa mismong lugar ng operasyon ang imbentaryo at pagmamarka ng mga nakuhang ebidensya sa presensya ng suspek at ng mga kinatawang saksi, alinsunod sa itinakdang proseso ng batas.
Ang suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad habang inihahanda ang mga kasong kriminal laban rito.
Facebook Comments








