Manila, Philippines – Hinamon na ng isang lider sa Kamara ang mga opisyal ng Ninoy Aquino International Airport, Manila International Airport Authority, Civil Aviation Authority of the Philippines at Department of Transportation na magbitiw na sa pwesto kaugnay sa nangyaring aberya sa NAIA matapos na mag-overshoot sa runway ang Xiamen airlines.
Giit dito ni House Committee on Metro Manila Development Chairman Winston Castelo, kung may delicadeza ang mga opisyal ng NAIA, MIAA, CAAP at DOTr ay dapat na magbitiw na ang mga ito agad sa pwesto.
Dapat aniya na napaghandaan ng ahensya ang problema sa pagsadsad ng eroplano sa runway at mabilis itong naaksyunan.
Aniya pa kailangan na may ulong gumulong sa nangyari dahil malaking kahihiyan ang idinulot nito sa bansa sa mata ng international community kaya kailangan na mapanagot administratively, civilly o criminally ang nagpapatakbo ng paliparan.
Pinagsasagawa din ng malalimang imbestigasyon sa nangyaring overshoot sa runway upang hindi na maulit ang ganitong insidente sa hinaharap.
Muli namang binuhay ng mambabatas ang panukala na isapribado ang operasyon at maintenance ng NAIA upang matiyak ang competence, efficiency at professionalism.