Wednesday, March 11, 2026

House Committee on Ethics and Privileges, binigyang ng 10 araw si Rep. Suntay para sagutin ang kinakaharap na mga ethics complaint

Binigyan ng House Committee on Ethics and Privileges ng sampung araw si Quezon City 4th district Rep. Bong Suntay para sagutin ang mga kinakaharap na ethics complaint.

Sinabi ito ng chairman ng Komite na si 4Ps Partylist Rep. JC Abalos, matapos ang isinagawa nilang hearing kung saan dumalo din si Suntay.

Ang pagdinig ng Komite ay base sa mga naging privilege speech laban kay Suntay ng ilang kongresista sa plenary session ng Kamara at mga kaugnay na reklamo.

Nag-ugat ito sa kontrobersyal na desire and imagination analogy ni Suntay patungkol sa aktres na si Anne Curtis na kanyang binanggit sa kasagsagan ng pagtalakay ng House Justice Committee sa mga impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.

Tiniyak ni Abalos na pakikinggan nila ang panig ng mga nagsampa ng reklamo at ni Suntay bago sila maglabas ng committee report na kapapalooban ng kanilang mga rekumendasyon.

Facebook Comments