Cauayan City, Isabela- Nakiisa sa ikinasang nationwide condemnation ang dating mga rebelde, sektor ng kabataan at iba’t ibang organisasyon, LGUs, LGAs mula sa ibang mga bayan sa Cagayan Valley at Cordillera region kahapon, Disyembre 26, 2021.
Hakbang ito ng mga grupo upang tuligsain ang mapang-abusong gawain ng teroristang grupo.
Sa Isabela, nagkasa ng Peace Rally ang ilang People’s Organization gaya ng AMAS at ANMAS na nakabase sa mga bayan ng Sta. Maria at Cabagan upang kondenahin ang kalupitan ng Communist Terrorist Group (CTG).
Nagsagawa rin ng kaparehong aktibidad ang mga residente ng Barangay Sindun Bayabo sa City of Ilagan, mga kawani at opisyal ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at miyembro ng PNP.
Habang sa Cagayan naman ay nagdaos ng rally na pinangunahan ng SAMBAYANAN Baggao Chapter kasama ang mga miyembro ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT).
Ibinahagi naman ng isang former rebel ang ginawang kalupitan ng rebeldeng grupo kung saan binigyang diin nito na pawang kasinungalingan at karahasan ang pinaiiral ng mga teroristang CPP-NPA gayundin ang mga pagpapahirap, pasakit at pagiging pabigat sa mga mamamayan lalo na sa mga malalayong komunidad.
Pinangunahan naman ng mga opisyal ng barangay at mga residente ng barangay Masi at Poblacion sa bayan ng Rizal at Sitio Lagum, Brgy Lipatan, Sto. Niño, Cagayan ang pagkondena sa anibersaryo ng teroristang grupo.
Bukod dito, nagsagawa naman ng motorcade ang ilang grupo sa Mt.Province upang tuligsain ang pagkakaroon ng presensya ng NPA.
Habang ang mga grupo ng Youth for Peace-Baguio, Ambaguio, at Sadanga Chapters, KKDAT, YLS alumni, at ibang Sangguniang Kabataan Officials, at Boy Scout of the Philippines ay nagdaos ng peace rally sa kanilang mga bayan.
Pinangunahan rin ng DILG Kalinga ang indignation rally sa bayan ng Bulanao kung saan ang mga nakilahok sa aktibidad ay nagpakita ng labis na kahihiyan sa pagkakaroon ng presensya ng CPP-NPA na humantong sa limang dekadang panlilinlang, pananabotahe at pagmamanipula sa ilang indibidwal.
Bilang pagtutol sa rebeldeng grupo, sabay na pinagsusunog ang mga bandila ng teroristang CPP-NPA bilang pagpapakita ng suporta sa gobyerno na wakasan ang komunistang armadong pakikipaglaban.
Inihayag ni MGen. Laurence Mina, ang Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army, na walang naidulot ang teroristang CPP-NPA sa loob ng limang dekada dahilan upang mamulat ang lahat sa kasinungalingan at walang katuturang ideolohiya.
Muli naman nitong hinimok ang mga natitirang miyembro ng rebeldeng grupo na magbalik loob nalang sa pamahalaan at ipagdiwang ang holiday season kasama ang kanilang mahal sa buhay.