Ika-7 linggong sunod na oil price hike, ipatutupad na ngayong araw

Sa ika-pitong sunod na linggo, magpapatupad ng dagdag presyo sa produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis ngayong araw.

Tataasan ng Shell, Petro Gazz, PTT Philippines, Eastern Petroleum, UniOil, SeaOil, Caltex, Jetti Pump at Total ng P0.65 ang kada litro ng kanilang gasolina at P0.10 ang kada litro ng diesel.

May P0.10 taas-presyo din ang Shell, SeaOil at Caltex sa kada litro ng kerosene.


Epektibo ang mga bagong presyo simula alas-6 ng umaga maliban sa Caltex na una nang nagpapatupad alas-12 ng hatinggabi.

Ayon kay Energy Undersecretary Felix William Fuentebella, patuloy ang pagbabawas ng supply ng petrolyo ng Organization of the Petroleum Exporting Countries o OPEC.

Sabi ni Fuentebella, iuutos na nila ang “unbundling” o paghimay sa presyo ng petrolyo sa mga kompanya ng langis sa susunod na linggo.

Layon nitong ipakita sa mga konsumer kung ano-ano ang parte ng binabayaran nila kada pakarga ng petrolyo.

Nabatid kasi na sa loob ng tatlong buwan o mula Enero 1 hanggang Marso 26, nasa P8.99 kada litro na ang itinaas ng presyo ng gasolina.

Habang P6.99 ang itinaas kada litro sa diesel at P4.67 kada litro sa kerosene kung saan kasama na rito ang iminahal dahil sa dagdag-buwis sa langis.

Facebook Comments