
Naniniwala si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na layon lamang himukin ng 18 nagpakilalang ex-marines ang iba na mag-alsa laban sa pamahalaan.
Sinabi ito ni Remulla nang magtungo sa Department of Justice (DOJ) para dumalo sa kauna-unahang anti-corruption workshop at summit ngayong Huwebes.
Ayon kay Remulla, lumabas sa kanilang imbestigasyon na walo sa 18 ay may kasong murder.
Sa ngayon ay nagpapatuloy aniya ang kanilang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga umano’y naghatid ng male-maletang pera kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol Party -list Rep. Zaldy Co.
Una nang kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na inatasan na sila ng Ombudsman para pangunahan ang imbestigasyon sa alegasyon ng 18 at alamin din ang panig ng mga inaakusahan.










