Cauayan City, Isabela- Lubog na sa baha ang ilang lugar habang hindi na madaanan ang mga overflow bridges sa Lalawigan ng Isabela.
Batay sa ipinalabas na report ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), nasa 19 barangay na mula sa iba’t-ibang bayan ang nalubog na sa baha dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan sa Lalawigan.
Sa City of Ilagan ay lubog na sa baha ang Brgy. Santa Barbara, Baculud, Fugu, Guinatan, Alingigan 2nd at Bagumbayan habang sa bayan ng Roxas ay ang Sitio Puragit, Brgy. San Antonio, Sitio Acacia, San Jose at Brgy. Nuesa.
Sa bayan naman ng Cabagan ay ang Brgy Pilig, ang Brgy. Gaddanan sa San Mateo, Sitio Pantalan, Brgy Moldero at Brgy Fugu Sur sa Tumauini, Brgy Zone 1 at 2 sa bayan ng San Mariano habang sa Brgy. Sipat at District 1 naman sa Lungsod ng Cauayan.
Kaugnay nito ay hindi na rin madaanan ang 16 na Overflow Bridges sa Isabela dahil sa pag-apaw ng tubig sa mga ilog.