*Cauayan City, Isabela- *Nagtapos ang may kabuuan sa 25 mentees ng ‘Class Masagana’ na sumailalim sa programa ng Department of Trade and Industry o DTI ngayong araw sa layuning mabigyan ng kaalaman ang mga maliliit na negosyante kung paano palawakin ang kani-kanilang negosyo.
Iba’t ibang produkto na gawa ng mga Isabeleno ang iprinisinta sa naganap na graduation ceremony sa isang hotel sa Brgy. Sillawit, Cauayan City, Isabela.
Sa naging panayam ng 98.5 RMN Cauayan kay Ma. Salvacion A. Castillejos, Assistant Regional Director ng Department of Trade and Industry Region 2, inihayag niya na ang ilan sa mga negosyante na sumailalim sa “Kapatid Mentor Me Program” ay lumalahok na sa pang international trade fair.
Dagdag pa ni Castillejos na sa ngayon ay hindi pa maaring ibenta ang mga produkto sa mga pribadong pamilihan dahil sa kawalan ng ilang pangunahing requirements gaya ng pagkakaroon ng* License to Operate at FDA permit na *siyang sumusuri sa mga produkto.
Ilan sa mga naging bisita ng nasabing pagtatapos ay Development Bank of the Philippines at ilang opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City.
Sa ngayon ang mga produkto ay pansamantalang nakadisplay sa ilang OTOP Hub ng DTI sa iba’t ibang bayan sa lambak ng Cagayan hangga’t wala pang sapat na dokumento ang mga ito para maibenta sa merkado.
Hinikayat din ni Castilejos ang ilang small entrepreneur na sumailalim sa programa ng ahensya upang maibahagi ang ilang kaalaman sa pagpapalago sa negosyo.