ILANG SEMENTERYO SA PANGASINAN, BINAHA SA ARAW NG UNDAS

Nakaranas ng pagbaha ang ilang sementeryo sa lalawigan ng Pangasinan sa mismong araw ng Undas.

Noong hapon ng Nobyembre 1, ang mainit na panahon ay biglang napalitan ng makakapal na ulap na nagdala ng ulan sa malaking bahagi ng probinsya.

Sa bayan ng Calasiao, kung saan tinatayang 10,000 katao ang bumisita, binaha ang mababang bahagi sa likuran ng sementeryo.

Ang ilan ay nagsuot ng bota upang makapagtirik ng kandila.

Samantala, hindi rin nakaligtas ang ilang nitso sa Roman Catholic Cemetery sa Dagupan City dahil umano sa hindi pa tapos na bahagi ng sementeryo na nalubog din sa baha.

Kaya naman ang iba ay dumiskarte, tulad ng pagrenta ng bota na nagkakahalaga ng trenta pesos at maaaring gamitin sa loob ng ilang oras.

Gayunpaman, mas dumagsa pa ang mga residente sa ikalawang araw ng Nobyembre upang humabol sa paggunita ng Todos los Santos.

Facebook Comments