Nilinaw ng ilang mga senador na hindi gulo ang hatid ng balak na pagdadagdag ng sites ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Kaugnay na rin ito sa ginawang babala ng China sa Pilipinas na baka madamay tayo sa isyu ng Taiwan sa planong pagtatayo ng dagdag na EDCA sites na sinasabing sa bandang norteng bahagi ng bansa ilalagay.
Giit ni Senator Risa Hontiveros, taliwas sa babala ng China, ang bansang ito pa nga ang nagdulot ng kapahamakan sa West Philippine Sea na naidokumento at napagtalunan na.
Kaya naman, payo ni Hontiveros, mas mabuting tumingin muna ang China sa salamin bago ito mambato sa iba.
Dagdag pa rito, wala naman aniyang interes sa Taiwan ang Pilipinas o kahit pa sa South China Sea na labas sa West Philippine Sea hindi tulad umano ng China na namimilit sa ibang bansa na isuko ang teritoryo na hindi naman sa kanila.
Sinabi naman ni Senator Jinggoy Estrada na naunang nilinaw ni Pangulong Bongbong Marcos na ang pakikipagkasundo para palawakin ang EDCA sites ay hindi para magdulot ng tensyon sa South China Sea o ikunsidera ang hakbang na ito bilang “act of aggression” sa pamahalaan para galitin ang ibang mga bansa.
Bukod dito, napakatagal na rin na magkaibigan ang Estados Unidos at Pilipinas at hindi rin natin gusto ng gulo sa pagitan ng China dahil matagal na rin itong trade partner ng bansa.