Pinapatigil na ni Senator Panfilo “Ping” Lacson ang pagsasagawa ng census sa ilang barangay gamit ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC.
Mensahe ito ni Lacson, makaraang itanggi ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang hindi tamang paggamit sa pondo ng NTF-ELCAC sa paggawa ng census sa iba’t-ibang barangay sa buong bansa.
Sinabi ni Lacson, na bilang pangunahing sponsor sa senado ng budget ng NTF-ELCAC, hindi niya puwedeng ipagkibit-balikat na lamang ang ganitong impormasyon.
Ayon sa PNP, ipinapatupad lamang nito ang “Intensified Cleanliness Policy” kabilang na ang “Cleanliness in the community” habang pinapalalim ang mga programang may kaugnayan sa police-community relations para maprotektahan ang pamayanan lalo na ang mga kabataan sa mga sindikato at pag-recruit ng “communist fronts”.
Naninidigan naman si Lacson na kung makikita niyang nagamit nga nang hindi tama ang pondo ng NTF-ELCAC ay sasamahan niya si Sen. Franklin Drilon sa panawagang burahin ang iniulat na panukalang P40 bilyon na pondo nito para sa susunod na taon.