
Naglabas ng Writ of Kalikasan ang Korte Suprema laban sa ilegal na quarrying sa loob ng Angat River–Bustos Dam Forest Reserve sa Bulacan.
Batay sa desisyong isinulat ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, inutusan ang respondent na Halrey Construction, Inc. na agad itigil ang paghuhukay, quarrying, at iba pang aktibidad na sumisira sa kalikasan sa naturang watershed.
Pinagbigyan din ng Kataas-taasang Hukuman ang hiling ng petitioner na si Narciso De Leon na maglabas ng Temporary Environmental Protection Order upang maiwasan ang karagdagang pinsala sa kapaligiran.
Ayon sa Korte Suprema, nagdulot ang quarrying ng erosion, pag-apaw ng tubig, at sedimentation sa watershed, pati na rin ng pagkasira ng mga pananim, halaman, at tirahan ng mga hayop.
Binigyang-diin ng SC na kahit maliit na pagbabago sa isang protected forest ay maaaring magdulot ng malaking panganib sa buhay, kalusugan, at kabuhayan ng mga tao sa iba’t ibang probinsya.










