Imbestigasyon ng Senado ukol sa umano’y overpriced na medical supplies, dapat hayaan ni Pangulong Duterte

Nanawagan si Senator Manny Pacquiao kay Pangulong Rodrigo Duterte na hayaan ang Senado na gawin ang trabaho nito sa pamamagitan ng pag-iimbestiga in-aid-of-legislation ukol sa pagbili ng gobyerno ng umano’y overpriced na medical supplies.

Giit ni Pacquiao, hindi pamumulitika ang ginagawa ng Senado kasabay ng muling paglilinaw na siya naman ay pumapanig lang din sa tama at hindi nakikipag-away sa pangulo.

Samantala, natapos na ni Pacquiao ang 14 na araw na quarantine at sinundan niya agad ito ng virtual program kung saan iprinisinta ang housing projects para sa mahihirap na kababayan.


Inihayag din ni Pacquiao na wala pa rin siyang desisyon kaugnay sa 2022 elections pero asahang ihahayag niya ang pasya bago ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) sa Oktubre.

Unang binanggit ni Pacquiao na tatlo ang opsyon na pinagpipilian niya – una ay tumakbo sa pangkapangulo, pangalawa ay muling tumakbo sa pagka-senador at pangatlo, magretiro na sa larangan ng pulitika.

Facebook Comments