Imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa kwestyunableng importasyon ng asukal at overpriced na laptops, ikakasa na sa susunod na linggo

Ikakasa na ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon kaugnay sa napurnadang importasyon ng asukal at ang pagbili ng overpriced na laptops para sa mga public school teachers.

Sa ginanap na organizational meeting ng Blue Ribbon Committee ay napagkasunduan na idaos sa August 23 ang iregularidad sa paglagda ng mga opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA) sa Sugar Order No.4 para sa importasyon ng 300,000 metriko toneladang asukal.

Samantala, sa August 25 naman gagawin ang imbestigasyon sa pagbili ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) at Department of Education (DepEd) ng overpriced na laptops para sa mga guro.


Maliban sa mga nabanggit na isyu, nakapila na rin para sa mga isasagawang imbestigasyon ng blue ribbon committee ang scholarship program ng Commission on Higher Education (CHED) sa ilalim ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST).

Dagdag pa rito ang pagbusisi rin sa pagbili ng PS-DBM ng hindi rehistradong personal protective equipment (PPEs) at ang ‘undue payment’ ng Land Transportation Office (LTO) ng higit sa ₱3 billion sa Foreign Information Technology Provider kahit hindi maayos ang pag-deliver ng serbisyo.

Facebook Comments