Manila, Philippines – Sinang-ayunan ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines ang naging pahayag ni PNP Chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa na may na-monitor silang gagawing panggugulo ang mga miyembro ng New People’s Army para sa nakatakdang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 24.
Ayon kay AFP Public Affairs Office Chief Marine Col. Edgard Arevalo, na sa kabila na wala silang direktang na-monitor na pangugulo ng NPA sa araw ng SONA maari raw gawin ng NPA ang kanilang pagbabanta.
Paliwanag ni Arevalo na una nang nagbanta ang CPP- NPA- NDF na pa-iigtingin nila ang pagsalakay sa mga kampo at police station ng tropa ng pamahalaan matapos na magdeklara ng martial law ang pangulo sa Mindanao.
Hudyat aniya ang pagbabantang ito upang mas maging alerto ang lahat sa mga posibleng pangugulo ng rebeldeng grupo.
Pagpapakita rin daw ito na hindi sila tapat sa kanilang hangarin sa usapang pangkapayapaan.
Sa ngayon nagpapatuloy lamang daw ang kanilang kahandaan sa pagbabantay upang matiyak na ligtas ang publiko sa anumang panggugulo.