
Hinatulang guilty sa 10 bilang ng kasong Graft at Malversation of Public Funds through Falsification of Document ng Sandiganbayan 6th Division si Janet Napoles.
Ito ay may kaugnayan sa maanomalyang paghingi umano ng P50 million ng 10 non-government organizations sa pamamagitan ng 10 local government units sa Department of Agrarian Reform (DAR) na para umano sa farm inputs.
Gayunpaman, mariin umanong iginiit ng 10 LGU na wala silang rekord at hindi sila humiling ng nasabing mga proyekto.
Dahil dito, aabot ng 12 hanggang 15 taon ang sintensya ng hukuman kay Napoles sa kada bilang ng kasong Graft, habang 17 taon at apat na buwan hanggang 20 taon naman sa kada bilang ng kasong malversation.
Maliban dito, hinatulan ding guilty si former-DAR Usec. Jerry Pacturan sa 10 bilang ng kasong malversation, habang guilty rin sa tig-tatlong bilang ng kasong graft at malversation ang isa pang akusado na si Evelyn de Leon.
Samantala, ipinag-utos naman ng Sandiganbayan kay Napoles at Pacturan na ibalik ang P50 million sa National Treasury.










