Friday, July 24, 2026

Isa pang kumpanya na sangkot sa flood control project, inireklamo ng BIR sa DOJ

Nagsampa ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng reklamong tax evasion sa Department of Justice (DOJ) laban sa Sunwest Inc., kabilang ang presidente nito na si Aderma Angelie Descarga Alcazar at Treasurer na si Cesar Zacarias Buenaventura.

Ayon sa BIR, umabot sa tinatayang ₱22.71 bilyon ang deficiency income tax ng kumpanya mula 2019 hanggang 2024 dahil sa umano’y underdeclaration ng kita, hindi suportadong claims sa mga gastos at purchases, at maling paggamit ng creditable withholding tax credits.

Sinabi ng BIR na isinagawa ang imbestigasyon kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na busisiin ang mga umano’y iregularidad sa flood control projects.

Sa pagsusuri ng ahensya, lumitaw umano ang malaking diperensya sa mga project payments na iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at sa mga kinita na idineklara ng kumpanya sa kanilang income tax returns.

Sa inilabas na pahayag ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, magpapatuloy ang kampanya ng ahensya sa ilalim ng Run After Tax Evaders o RATE Program at magsasampa ito ng kaukulang kaso laban sa mga mapapatunayang lumalabag sa National Internal Revenue Code.

Facebook Comments