Hinikayat ng Joint Task Force (JTF) COVID Shield ang mga magulang na magsilbing huwaran sa kanilang mga anak sa pagsunod sa mga ipinatutupad na Quarantine Protocols.
Ito ay dahil sa marami pa rin ang naarestong curfew violators na ngayon ay umaabot na sa 150,085 simula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong March 17.
Ayon kay JTF COVID Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar hindi pwedeng arestuhin ang mga menor de edad na lumalabag sa ECQ sa ilalim ng batas kaya “warning” parin ang binibigay sa kanila ng mga pulis.
Ito ay kahit na may direktiba na si PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa na wala nang “warning” sa mga violators at deretso na silang aarestuhin.
Giit ni Eleazar, responsibilidad ng magulang na pasunirin ang kanilang mga anak sa mga umiiral na alituntunin para sa kaligtasan ng kanilang buong pamilya sa gitna ng banta ng COVID-19.
Dagdag pa ni Eleazar nakikipag ugnayan narin ang PNP sa mga lokal na pamahalaan para makapagpasa ng mga ordinansa na magbibigay din kaparusan sa mga magulang ng mga pasaway na menor de edad.