K to 12 graduates, nasaan na?

Image via AFP

Taong 2012 nang ipatupad ang K-to-12 program ng Department of Education sa buong bansa. Layon ng programang ito na palakasin ang kahandaan ng trabaho ng mga magsisipagtapos sa senior high school. Ibig sabihin kahit hindi na sila tumuntong ng kolehiyo malaki pa rin ang tsansa na makahanap sila ng trabaho.

Pumalo na sa mahigit 1.2 milyon ang bilang ng graduates sa senior high school subalit marami pa sa mga ito ang bigo na makapagtrabaho hanggang sa ngayon. Sa lumabas na 2018 report ng online job portal na Jobstreet.com Philippines, naitalang may 41 porsiyento ng mga kompanya ang pinag-aaralan pa rin hanggang sa ngayon kung dapat na nga ba silang tumanggap ng senior high school graduates; 35 porsiyento ang hindi pa raw handa, at 24 porsiyento pa lang ang handa.

Ayon kay Philip Gioca, country manager ng Jobstreet Philippines, karamihan sa mga kumpanya ay may requirement pa rin na college graduate.


“Hindi nila alam na karamihan sa mga guma-graduate ng K-12, ay 18 years old na. Kasi nandun pa rin sila sa mindset na, ‘ah high school graduate’ so 16, underage. Marami sa mga companies nagre-require talaga ng college level or college graduate sa mga H.R. manuals nila. It takes time to change those policies,” sabi naman ni Love Basillote, executive director ng Philippine Business for Education.

Sa auditing ng PBED sa K to 12 curriculum, 93 porsiyento umano ang tugma o match ang kakayahan ng senior high school graduates sa entry-level requirements ng mga kumpanya.

“On the part of government, or from the school part, siguro dapat na abisuhan ‘yung mga companies na medyo mas maaga, na, ‘o, 2018, ga-graduate na ‘yung first batch. dapat ‘yung sistema niyo siguro dapat handa na to,” dagdag pa ni Basillote.

Ayon naman kay DepEd Undersecretary Nepomuceno Malaluan para matukoy ang tamang trabaho para sa K to 12 graduates, dapat daw palakasin ang ugnayan nito sa DOLE at pribadong sektor.

“The curriculum has changed, the training programs have changed to include those competencies and it will take time for the industry to realize that, at kailangan to recognize that what we need is greater interaction with them and partnerships,” ani Malaluan.

Facebook Comments