Dapat maging malaya ang mangingisdang Pilipino dahil pag-aari ng Pilipinas ang West Philippine Sea (WPS).
Ito ang panawagan ng grupo ng mga mangingisda sa Masinloc Zambales na nag-caravan mula Quezon City hanggang sa Lungsod ng Maynila.
Iginiit ng mga mangingisda ang kanilang panawagan kay Pangulong Bongbong Marcos hinggil sa patuloy na pangha-harass sa kanila ng malalaking barko ng China.
Anila, dapat agad na umaksyon ang pangulo para sa proteksyon at kapakanan ng mga mangingisda.
Ang mga nahuhuli kasi nilang isda ay pinapalitan lamang ng instant noodles at sigarilyo, at tinatakot pa sila araw-araw.
Dahil dito, gutom at takot ang nararanasan ng mga mangingisda laban sa China kaya dapat ay mapansin sila ng pamahalaan.
Samantala, inihayag naman ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakapagtala na ang Pilipinas ng 189 diplomatic protest laban sa China ngayong taon, kung saan 61 dito ay isinumite ng Marcos administration.