Kamara, itinangging inupuan muna ang mga reklamong impeachment laban kay VP Sara bago isinumite sa Senado

Mariing itinanggi nina Manila 3rd District Representative Joel Chua at Tingog Party-list Representative Jude Acidre na inupuan o matagal bago inaksyunan ng Kamara ang mga reklamong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte bago ito isinumite sa Senado na syang tatayong impeachment court.

Diin nina Chua at Acidre, mas naging mabilis pa nga ang pag-akyat sa Senado ng impeachment complaint dahil hindi na ito dumaan sa Committee on Justice matapos makakuha ng suporta ng 215 mga kongresista na higit pa sa kailangang 1/3 o 102 pirma ng mga mambabatas.

Sabi ni Chua, pinag-aralang mabuti ng Kamara ang unang tatlong reklamong impeachment na binasehan ng pagbuo ng ika-apat na impeachment complaint na naglalaman ng mas matibay at malakas na pitong articles of impeachment.


Ipinaliwanag naman ni Representative Acidre na hindi porke tahimik sila at walang inihahayag sa publiko ay inuupuan na nila ang naunang impeachment complaints dahil ang totoo ay nagsasagawa sila noon ng mga konsultasyon, mga talakayan at pagpaplano.

Tugon ito nina Chua at Acidre sa pahayag ni Senate President Francis Chiz Escudero na hindi dapat madaliin ang Senado na magsagawa ng impeachment trial lalo’t natagalan din naman ang Kamara na iakyat sa kanila ang impeachment case.

Facebook Comments