
Iginiit ni Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno na dapat may managot sa patuloy na kapalpakanan sa pagpapatupad ng maritime safety o kaligtasan sa mga byahe sa karagatan.
Sa pagdinig ng House Committee on Transportation ay nagpahayag ng galit si Diokno dahil lumipas na ang 39 years matapos ang Doña Paz tragedy ay wala pa ring napapatupad na reporma at kongkretong aksyon para maiwasan ang aksidente sa karagatan.
Ito ay makaraang lumabas sa pagdinig ang mga kapalpakan at kapabayaan kaugnay sa paglubog kamakailan ng M/V Trisha Kerstin 3 kung saan mahigit 50 ang nasawi.
Dismayado si Diokno na ang mga lumitaw na pagkukulang ng lumubog ang M/V Doña Paz noong 1987 ay nakita rin sa paglubog ngayon ng M/V Trisha Kerstin 3.
Giit ni Diokno, dapat tiyaking mananagot ang Aleson Shipping Lines na syang may-ari ng M/V Trisha Kerstin 3 gayundin ang mga awtoridad na may tungkuling magpatupad ng mga batas at patakaran para sa maritime safety.










