Isinugod pa sa ospital subalit binawian din ng buhay ang isang bente dos anyos na babae matapos itong masangkot sa banggaan kahapon.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan, kinilala ang tsuper ng Toyota Hilux Pick-up na si Rodolfo Matutino, 51 taong gulang, welder, at residente ng Brgy. Cabaruan, Cauayan City, Isabela, Dante Guittu, drayber ng traysikel, 51 taong gulang, vendor, residente ng Brgy. Upi, Gamu, Isabela habang kinilala naman nagmamaneho ng single na motor na si Sheriemae Herrera, 24 taong gulang, na residente naman ng Brgy. Raniag, Burgos, Isabela.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Gamu Police Station, lumalabas na bago maganap ang insidente, binabaybay ng traysikel ang daan pa silangan nang bigla umano itong kumaliwa patungong Ilagan City at doon na aksidente umano itong nabangga ng paparating na Hilux Pick-up.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay napunta sa kabilang linya ang traysikel at nadamay nito ang paparating noon na single motor.
Nagtamo ng malalang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang drayber ng single motor habang tumilapon naman ang backride nitong kinilalang si Angelica Tamayo, 22 taong gulang, estudyante at residente ng Purok 3, Brgy. Raniag.
Nagtamo rin ng mga pinsala sa katawan ang tsuper ng traysikel.Gayundin ang tsuper ng Toyota Hilux Pick-up na noon ay may sakay pang pitong (7) katao na kinabibilangan ng tatlong (3) menor de edad na pawang mga sampung (10) taong gulang at pinaka bata naman ay tatlong (3) taong gulang.
Nagpapatuloy parin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol sa nasabing insidente.