Kasapi ng NPA sa Kalinga, Sumuko sa Pamahalaan

Cauayan City, Isabela- Isa nanamang kasapi ng New People’s Army (NPA) ang natauhan matapos ang kusang pagsuko nito sa pamahalaan sa Lower Uma, Lubuagan, Kalinga.

Nakilala ito na si alyas Bad, 51 taong gulang, may-asawa, supporter ng KLG Baggas, ICRC, at residente ng Sitio Payao, Barangay Lower Uma, Lubuagan.

Kasama sa isinuko ni alyas Bad ang armas nito na isang (1) US rifle Cal.30M1 (Garand rifle) springfield na may kasamang pitong (7) bala.


Ang pagsuko ni alyas Bad ay bunga ng nagpapatuloy na Community Support Program na isinasagawa ng kasundaluhan ng 50th Infantry Battalion na pinamumunuan ni LTC Melanio Somera.

Ayon kay Ka Bad, desisyon aniya nitong talikuran ang grupong NPA upang makapamuhay ng normal at payapa kasama ang kanyang pamilya.

Una rin aniya siyang hinikayat ng kanyang mga anak at maybahay na lalong nag-udyok sa kanya upang magbalik-loob sa gobyerno.

Facebook Comments