Cauayan City, Isabela- Inihahanda ng pulisya ang kasong Reckless Imprudence Resulting (RIR) to Double Homicide, Multiple Physical Injuries and Damage to Property na isasampa sa Doktor na nang-araro ng 9 katao na ikinasawi ng 2 barangay Tanod sa Ballacayu, San Pablo, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Roberto Guiyab, hepe ng PNP San Pablo, mayroon nang inisyal na pag-uusap kahapon ang pamilya ng mga biktima sa panig ng suspek at nakatakdang mag-uusap muli ngayong araw.
Ayon kay PMaj Guiyab, kasalukuyan pa rin nasa pagamutan ang suspek na si Marcial Que Jr., 29 anyos, na residente ng Brgy. District 2, Tumauini, Isabela habang nakalabas na ng ospital ang 3 sa 7 nasugatan sa nangyaring insidente.
Nananatili naman sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) ang 4 pang sugatan sa insidente habang nakaburol na sa kanilang tahanan ang dalawang tanod na nasawi na sina Ambrocio Lagundi, 47 anyos, at Rodrigo Pacion, na kapwa residente ng Brgy.Ballacayu, San Pablo.
Magugunita na pasado alas 9:00 ng umaga, Pebrero 11, 2020, habang binabagtas ng suspek ang pambansang lansangan patungo sa Timog na direksyon ay nag-overtake ito sa kasunod na motorsiklo at hindi nito napansin na may paparating na sasakyan sa kabilang linya partikular sa pakurbang bahagi ng daan.
Sinubukan pang umiwas ng suspek subalit nawalan na ito ng kontrol sa manibela kaya’t dumeretso at bumangga sa mga nagsasagawa ng Barangay Cleaning Operation sa gilid ng daan.
Gayunman, nakahanda pa rin ang PNP San Pablo sa magiging desisyon ng magkabilang panig at pagsasampa ng kaso sa suspek.