Kasong Administratibo laban sa Kapitan ng Brgy. District 3, Umusad na sa Cauayan City Council

Cauayan City, Isabela- Ipinasakamay na sa Committee on Social Services na pinangungunahan ni City Councilor Cynthia Uy ang kasong Administratibo na kinakasangkutan ni incumbent Barangay Captain Melchor Meris ng Barangay District 3, Cauayan City, Isabela.

Una rito, kinasuhan ng Abuse of Authority si Kapitan Meris ng isang residente ng Purok 7 sa naturang barangay dahil sa umano’y hindi patas na pamamahagi ng tulong pinansyal mula sa DSWD.

Ayon kay Ginang Rosalina Recometa, inilista ang kanyang pangalan na recipient subalit ng dumating ang pondo ay nawala na siya sa listahan at iba na ang inilagay na hindi naman umano apektado ng pagbaha.


Inakusahan rin ni Recometa si Meris dahil sa pang-aabuso umano nito sa kapangyarihan lalo na sa usapin ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan matapos bigyang prayoridad ng opisyal ang ilang kaanak, kakilala at mga tauhan ng barangay na hindi naman umano labis na naapektuhan ng pandemya dahil sa COVID-19.

Una nang itinanggi ng opisyal ang paratang laban sa kanya at handa rin umano niyang harapin ang kaso laban sa kanya.

Facebook Comments