
Iminungkahi ni Bukidnon 2nd District Rep. Jonathan Keith Flores ang pagputol ng koneksyon ng e-wallet sa mga apps ng sugal.
Ayon kay Flores, layunin nito na matuldukan na ang pagka-adik sa sugal na mas madali ngayong nangyayari dahil sa e-wallets.
Solusyon ito ni Flores para mailigtas ang mahihirap nating kababayan na nag-uubos ng kanilang kakarampot na pera sa online gambling sa halip na gamitin pambili ng kanilang pangangailangan tulad ng bigas, at pambayad sa kuryente at matrikula.
Bumabalangkas na rin ng panukalang batas si Flores para maipatupad ang diskoneksyon ng e-wallets at gambling site platforms, maharang ang payment processing para sa online betting, at magpatupad ng mahipit na patakaran sa digital financial services.
Ang aksyon ni Flores ay tugon din sa viral post ng isang content creator na nakasaksi kung gaano katalamak ang pagkahumaling sa online gambling ng mga Pilipino na sumisira ng pamilya at kinabukasan ng kabataan.