
Binabantayan ng City Engineering Office ang konstruksyon at implementasyon ng 55 proyektong pang-imprastraktura na kasalukuyang isinasagawa sa iba’t ibang bahagi ng Dagupan City.
Ayon sa tanggapan, patuloy ang pagsusuri sa status, timeline, at progreso ng bawat proyekto upang matiyak ang maayos na implementasyon at agarang pagkumpleto ng mga ito.
Kabilang sa mga proyekto ang pagtatayo ng mga gusali ng paaralan, gymnasium, pagpapaangat at pagsasaayos ng mga kalsada, at konstruksyon ng mahahalagang pasilidad ng pamahalaan.
Sa ilalim ng mga proyektong pang-edukasyon, kabilang ang konstruksyon ng mga gusali ng paaralan sa ilang barangay tulad ng Bacayao Norte, Bolosan, Bonuan Gueset, Calmay, Mayombo, Poblacion Oeste, Pugaro, at Tapuac.
Isinasagawa rin ang pagtatayo at pagsasaayos ng mga school gymnasium at site development ng ilang school grounds upang mapabuti ang pasilidad ng mga paaralan sa lungsod.
Kabilang din sa mga proyekto ang pagpapatayo at pagpapabuti ng mga child development center at day care center sa iba’t ibang barangay.
Samantala, patuloy din ang pagpapatupad ng mga proyekto sa kalsada kabilang ang upgrading ng pavement at drainage system sa ilang lugar tulad ng Bacayao Norte, Bacayao Sur, Bonuan Binloc, Bonuan Boquig, Bonuan Gueset, Calmay, Caranglaan, Herrero-Perez, Lasip Chico, Lomboy, Lucao, Mangin, Mayombo, Pantal, Poblacion Oeste, Pogo Chico, at Tapuac.
Isinasagawa rin ang konstruksyon at pagpapabuti ng ilang pasilidad ng pamahalaan tulad ng multipurpose centers, evacuation centers, city hall offices, at iba pang pampublikong imprastraktura sa lungsod.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng mga proyektong ito na mapalakas ang serbisyong naibibigay sa mamamayan sa pamamagitan ng mas maayos na mga pasilidad, silid-aralan, at kalsada sa Dagupan City. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










