Konsulada ng Pilipinas, inaalam na kung may mga Pinoy na sugatan sa salpukan ng 2 tren sa Manhattan subway

 

Patuloy na iniimbestigahan ng Philippine Consulate kung may Pilipinong naapektuhan o nasaktan sa salpukan ng dalawang tren sa Manhattan subway.

Matatandaang mahigit 20 pasahero ang nasugatan sa banggaan ng dalawang tren na lulan ng humigit-kumulang 500 pasahero.

Ayon kay New York Consul General Senen Mangalile, wala pa silang natatanggap na ulat ng mga Pilipinong sangkot sa nasabing aksidente.


Sa inilabas na report, bumangga umano sa isa pang tren ang isang tren na bumibiyahe mula Manhattan patungo sa Bronx na nagresulta sa pagkadiskaril ng isa sa mga tren.

Mabilis namang rumesponde ang mga paramedic at inasikaso ang mga sugatang pasahero at dinala sa pinakamalapit na ospital.

Nagdulot din ng pagkaantala sa operasyon ng subway ang aksidente at naapektuhan ang ilang commuters.

Kasalukuyan ng iniimbestigahan ng New York Metro Transportation Authority ang naturang insidente.

Facebook Comments